Dagupan City – Malaking hamon ngayon ng Barangay Lucao ang tamang pagsasagawa ng segregation sa basura sa kanilang nasasakupan.
Ayon kay Brgy. Lucao Captain Marcelino Fernandez, halos nasa 15% hanggang 20% palang umano ang nakakapagsegregate ng basura sa kanilang nasasakupan gaya na lamang ng paghihiwalay sa nabubulok at hindi nabubulok.
Aniya, bagama’t may nauna nang ordinansa ang syudad ay kinakailangan pa rin ng madugong pag-implementa, dahil may mga multa na kailangang ipatupad sa mga hindi sumusunod patungkol sa tamang pagbabasura.
Dagdag pa nito na pahirapan ang kanilang paghahakot ng basura sa bawat purok dahil sa kakulangan ng mga sasakyan na manghahakot kung saan iisang truck nalang ang ginagamit nila.
Kaugnay nito, dahil sa kawalan ng kaalaman sa pagsegregate ng karamihan nilang kabarangay ay dinadala na lamang nila ito sa Barangay Material Recovery Facility upang doon na isegregate ng mga segregators para maayos na at madala sa Dump site.
Panawagan naman nito sa kanyang mga kabarangay na makipagtulungan sa pagsegregate ng basura upang maging maayos na ang problemang ito ganun din sa ibang barangay na magkaroon ng teamwork upang makaya ang lahat at sa kanyang mga kasamahan sa sanggunian na dapat tignan ang nakakabuti sa taong bayan at isantabi ang mga usaping pulitika para sa kapakanan ng lungsod.