Dapat pumirma ang lahat ng kongresistang sumusuporta sa impeachment complaint upang maipakita na sila ay laban sa korapsyon.

Ito ay matapos muling maghain ng impeachment complaint ang Kilusang Mayo Uno at iba pang grupo laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Jerome Adonis, Chairperson ng nasabing grupo, hindi umano dumaan sa wastong proseso ang naunang impeachment complaint dahil agad itong na-archive at hindi na umabot sa Senado.
Aniya, taliwas ito sa layunin ng reklamo na papanagutin ang mga sangkot sa umano’y katiwalian sa gobyerno.

--Ads--

Ang kanilang isinampang impeachment complaint 2.0 sa Bise Presidente ay nakabatay sa betrayal of public trust, partikular sa usapin ng confidential funds na umano’y ginastos sa loob lamang ng 11 araw.

Giit ni Adonis, pondo ito ng taumbayan kaya nararapat lamang na dumaan sa paglilitis at masusing imbestigasyon.

Binanggit din ng grupo ang umano’y mahigit ₱600 milyong confidential funds ng Department of Education (DepEd) kung saan lumitaw ang mga pangalan ng sinasabing pekeng staff.

Dagdag pa rito, bahagi rin ng kanilang reklamo ang kusang pagtestify ni Madriaga, na umano’y magpapatibay sa mga alegasyon.

Hinimok ng grupo ang Kongreso na huwag nang magdagdag ng panibagong mga patakaran o interpretasyon na maaaring maging hadlang sa pag-usad ng impeachment complaint.

Ayon kay Adonis, kung patuloy na haharangin ang reklamo gamit ang iba’t ibang legal na interpretasyon, mas lalo lamang umanong mailalantad na pinoprotektahan ng Kongreso ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno.

Aniya kung talagang kinatawan ng bayan ang mga mambabatas, dapat nilang paandarin ang proseso ng reklamo.

Ayon pa sa KMU, sa sandaling ma-transmit ang impeachment complaint sa Senado, wala na umanong dahilan upang hindi ito talakayin, dahil malinaw umanong itinatakda ng Konstitusyon ang prosesong ito.