Naging mapayapa at maayos ang pagdiriwang ng Holiday Season sa lalawigan ng Pangasinan bunsod ng epektibong pagpapatupad ng Ligtas Paskuhan 2025, ayon sa ulat ng Pangasinan Police Provincial Office sa pamumuno ni PCol. Arbel Mercullo.
Ayon kay PCol. Arbel Mercullo, Provincial Director Pangasinan PPO, batay sa inisyal na datos, nanatiling mababa ang bilang ng mga naitalang casualty sa panahon ng selebrasyon.
Kung ihahambing sa taong 2024 na may 59 na naitalang casualty, mas mababa ang bilang ngayong 2025 ng isa, na nagpapakita ng positibong resulta ng patuloy at pare-parehong security plan na ipinatupad ng kapulisan.
Ilan sa mga insidenteng naitala ay kinabibilangan ng mga sugat sa kamay dulot ng paputok, subalit ang mga ito ay itinuturing na minimal at hindi malubha.
Wala ring naitalang nasawi sa buong panahon ng pagdiriwang.
Ayon sa Pangasinan PPO, malaking bahagi ng tagumpay ng Ligtas Paskuhan 2025 ang aktibong pagtutulungan ng kapulisan, mga lokal na pamahalaan, at ng komunidad upang masiguro ang kaayusan at kaligtasan ng publiko.










