Pinaigting ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng San Nicolas ang kampanya laban sa basura sa bayan, partikular na sa mga tourist spot sa Barangay Malico, na tinaguriang “Barangay Summer Capital” ng Pangasinan dahil sa patuloy na pagdagsa ng mga turista kahit sa panahon ng tag-ulan.

Ayon kay Eddie A. Mateo, Department Head ng MENRO, ang patuloy na pagdami ng basura sa mga gilid ng kalsada at malapit sa mga bangin ay isang malaking problema.

Dahil dito, nagtatalaga na sila ng mga bantay gubat para regular na paglilinis at pangongolekta ng basura.

--Ads--

Umaabot na kasi sa ilang mga sako ang nakokolektang basura kada araw sa mga paligid ng bangin o kalsada papunta sa mga destinasyon sa bayan malapit sa Barangay Malico.

Aniya na hindi maiwasan ang pag-iiwan ng basura ng mga turista na karamihan ay mga plastic bottle, candy wrapper at iba pa.

Bagamat may mga nakalagay na signages na nagpapaalala sa tamang pagtatapon ng basura, marami pa rin aniya ang hindi sumusunod.

Kaya naman, nanawagan si Mateo sa publiko, lalo na sa mga turista, na maging responsable sa pagtatapon ng kanilang basura.

Hinikayat din niya ang mga turista na iuwi na lamang ang kanilang basura o kaya’y itapon sa mga itinakdang basurahan ngunit ang mga nabubulok na basura ay maari naman na nila itapon bilang fertilizer ng mga puno sa bundok.

Paalala din nito na mag-ingat sa pag-akyat sa nasabing lugar lalo na kapag malakas ang ulan dahil maaring magsanhi ng landslide kapag lumambot ang lupa kaya maging alerto para hindi mapahamak.