Dagupan City – Pinag-aaralan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang anumang kahilingan ng mga manufacturer na magtaas ng presyo ng kanilang mga produkto sa gitna ng umiigting na tensyon sa Middle East na posibleng makaapekto sa gastos sa produksyon at transportasyon ng mga kalakal.
Ayon kay Natalia Dalaten, Asst. Regional Director ng DTI Region 1 at Provincial Director ng DTI Pangasinan, dumaraan muna sa deliberasyon at pagpupulong sa head office ng ahensya ang bawat request ng mga manufacturer upang matukoy kung makatwiran at nararapat ang anumang pagbabago sa presyo ng mga produkto.
Ipinaliwanag ni Dalaten na maaaring maapektuhan ng kaguluhan sa Middle East ang pagbiyahe ng mga cargo ship na nagdadala ng mga produktong iniluluwas mula Pilipinas patungo sa ibang bansa tulad ng Middle East, na posibleng magdulot ng delay sa delivery ng mga produkto.
Hinimok din ng DTI ang mga negosyante na makiisa sa pamahalaan upang mapanatili ang maayos na daloy ng ekonomiya ng bansa sa kabila ng sitwasyon sa ibang bahagi ng mundo.
Pinayuhan naman ng ahensya ang mga mamimili na iwasan ang panic buying at bumili lamang ng sapat na produkto na kanilang kailangan upang maiwasan ang kakulangan sa supply ng mga pangunahing bilihin.
Pinapaalalahanan din ang publiko na maging mapagmatyag sa presyo ng mga produkto at agad na magreport sa pinakamalapit na tanggapan ng DTI o Negosyo Center, o maghain ng reklamo sa DTI Pangasinan Facebook page kung may mapansing biglaang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.










