Dagupan City – Isinagawa ng pamahalaang bayan ng Bayambang ang 1st Quarter Preventive Maintenance ng Bayambang Warning Station mula Pebrero 2 hanggang 3, 2026 sa Roxas Street, Zone II, Municipal Compound.

Layunin ng nasabing preventive maintenance na masiguro ang maayos na kondisyon at pagiging handa ng warning station sakaling kailanganin ito sa oras ng sakuna at iba pang emerhensiya.

Bilang bahagi ng aktibidad, inaasahang magkakaroon ng malalakas na tunog ng alarma at mga anunsiyong ipalalabas sa wikang Pangasinan na maaaring marinig hanggang sa layong humigit-kumulang isang libong metro mula sa lugar ng istasyon.

--Ads--

Kaugnay nito, pinapayuhan ang publiko na huwag magpanic kung makarinig ng malakas na alarma.

Hinihikayat din ang mga residente na manatiling kalmado, makinig sa mga anunsiyo, at unawain ang mga impormasyong ipapahayag bilang bahagi ng pagsasanay at pagpapahusay ng sistema ng babala ng bayan.

Ito ay upang mapanatili ang kahandaan ng lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng agarang babala at impormasyon sa mamamayan sa oras ng pangangailangan.