Aasahan pa rin ang pagtaas ng presyo ng puti at pulang sibuyas sa merkado partikular na sa darating na Pasko – ito ang inihayag ni Ronnie Ringor, isang onion grower, sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan kaugnay sa usapin sa kakulangan ng supply ng nasabing produkto sa lalawigan ng Pangasinan.


Binigyang-diin ni Ringor na ang inilalabas ngayon ng mga negosyanteng supply ng sibuyas sa merkado ay nanggagaling lamang sa mga cold storage facilities kaya’t hindi masisiguro ng marami kung kontrolado ng mga negosyante ang presyo ng nasabing produkto o kung regulated pa rin ito ng Department of Trade and Industry.


Dagdag pa ni Ringor na mayroon nang mga nagtatanim ng mga sibuyas sa lalawigan ng Pangasinan, at bagamat alam nilang mahihrapan sila sa pagpapalago ng naturang produkto lalo na’t nananaig pa rin ang tag-ulan ay sumusugal sila dahil na rin alam nilang mataas ang presyo ng mga sibuyas pagbagsak nito sa merkado. Saad pa niya’y dito rin nahihirapan ang hanay ng mga onion farmers lalo na’t napakamura ng bentahan ng mga sibuyas sa kanila kumpara sa presyo ng mga nasabing produkto na binibili na ng mga konsumer sa merkado.

--Ads--


Paliwanang pa ni Ringor na tumataas ang presyo ng sibuyas na kinukuha ng mga negosyante sa cold storage facilities dahil kabisado umano nila ang paggalaw sa bentahan ng nasabing produkto kaya’t alam din nila kung kailan sasabayan ang demand ng sibuyas sa supply ng mga ito.


Saad pa ni Ringor na kadalasan ay umaakyat hanggang P400.00 kada kilo ang bentahan ng sibuyas subalit ay kailangan munang maghigpit ng sinturon ang mga konsumer dahil aasahan pa rin ang pagtaas sa presyo ng produkto sa mga susunod na buwan.


Sa kanyang pagtataya, aabot mula P300.00-P400.00/kilo ang magiging bentahan ng sibuyas sa merkado, subalit hindi niya nakikitang makatutulong ito sa kanilang hanay lalo na’t isang beses lamang sa isang taon sila nakapag-aani ng tinanim nilang mga sibuyas na binibili lamang ng mga negosyante mula sa kanila sa murang halaga.


Gayunpaman ay tiniyak ni Ringor na hindi nila nakikitaan ng kakulangan ng supply ng sibuyas sa bansa dahil papatak muli ang panahon ng pag-aani o peak season ng mga sibuyas pagdating ng Pebrero sa susunod na taon.


Dagdag pa ni Ringor na sa ngayon ay wala pa rin silang natatanggap na tulong mula sa gobyerno kaugnay pa rin ng kinakaharap nilang suliranin sa kanilang hanay, subalit umaasa rin sila na maipapamahagi ng tama ang naipangakong P100-milyon para sa kanilang mga magsasaka na magiging malaking tulong naman sa kanilang mga onion growers.


Kaugnay nito ay patuloy naman ang panawagan ng kanilang hanay sa gobyerno na sila na lamang ang direktang bumili sa kanila ng mga sibuyas sa tamang halaga nang sa gayon ay hindi rin nalulugi ang kanilang kabuhayan.