Inihayag ng Department of Energy (DOE) na imposible nang maibalik sa P60/litro an mga presyo ng krudo at petrolyo bunsod ng naging mga epekto ng giyera sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, ito ay dahil sa mga naging structural damages na siyang isa sa mga naging epekto ng giyera sa rehiyon kung saan binigyang diin rin ng kalihim na wala pa rin kaing kasiguruhan kung kailan matitigil ang digmaan at kung gaano katagal ang gugugulin para sa pagsasaayos ng mga oil-related facilities.
Ani Garin, kung dalawang linggo lamang tumagal ang sigalot, mas may posibilidad pang manumbalik sa dating mga presyo nito ngunit dahil sa ilang linggo na rin ang nkalipas, hindi aniya magiging mabilis ang pagbaba ng presyo ng nga naturang produkto.
Samantala, sa kabila naman nito ay tiniyak ni Garin na patuloy lamang ang pamahalaan sa pamamahagi ng mga fuel subsidies para sa mga drivers na apektado ng mataas na presyo ng petrolyo.
Maliban aniya dito, may iba pang mga programa na ilulunsad para maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng krudo sa mga motorista gaya ng pagpapatupad ng mga discounts para sa mga jeepney drivers na nakikitang maibibigay sa mga tsuper ng tatlo hanggang apat na buwan.










