Inaasahan ang pagbaba sa presyo ng kamatis sa buwan ng Pebrero makaraan ang pag sipa nito sa halos P400 kada kilo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Engr. Rosendo So, chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura, sinabi nito na ang pagmahal ng kamatis ay dahil sa magkakasunod na bagyo sa nakaraang buwan ng Nobyembre na labis na naka-apekto sa suplay at presyo ng mga agricultural products.

Nitong nagdaang mga araw, ang medium-sized na kamatis ay umabot ng P20.00 kada piraso o mas higit pa.

--Ads--

Pero dahil marami ang nagtanim ng kamatis ay naasahang babagsak ang presyo nito sa susunod na buwan.

Ayon kay So, bukod sa pag ulan ay ang pagtama din ng army worm sa mga pananim dahilan ng posibleng pagtaas ng presyo naman ng sibuyas sa buwan ng Pebrero.

Gayunman, hindi naman lahat ng gulay ay tumaas dahil may mga gulay naman ang mababa parin ang presyo at bahagya lamang ang pagtaas.

Samantala, nananatili namang mababa ang presyo ng itlog, habang bahagyang tumataas ang presyo ngayon ng karne ng baboy, dahil sa pagtama ng ASF sa ilang alagang baboy mula buwan ng Hunyo hanggang Disyembre ng nakaraang taon.

Sa ngayon ay patuloy na binabantayan ng Department of Agriculture ang presyo ng iba pang mga agricultural products.