DAGUPAN CITY, Pangasinan — Umabot sa 28 o katumbas ng 24% mula sa 173 na Stock Keeping Units (SKUs) ng school supplies ang nakitaan ng Department of Trade and Industry (DTI) Pangasinan ng pagtaas sa presyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Natalia Dalaten, Provincial Head ng nasabing opisina, ibinahagi nito na base sa kanilang monitoring, ang mga naitalang pagtaas sa school supplies ay umaabot mula 1% hanggang 25% mula sa kanilang orihinal na presyo.
Gayunpaman, marami pa rin naman aniyang mga school supplies ang hindi nagtaas ng presyo at nananatiling stable ang bentahan sa mga pamilihan.
Kabilang aniya sa mga minomonitor nilang school supplies ay ang mga notebook, pad paper, mga lapis at ballpen, mga coloring sticks, eraser, pantasa, at ruler.
Kaugnay nito ay pinayuhan naman nito ang publiko, partikular na ang mga magulang, na magng mapanuri sa mga bibilhing school supplies para sa kanilang mga anak.
Mas mainam aniya na kilatising mabuti kung saan sila makakamura at piliin na lang na bilhin ang mga mas murang school supplies upang makatipid.