DAGUPAN CITY- Patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga gulay sa ilang pamilihan sa lungsod ng Dagupan.
Dahil dito, hirap na umano silang ibenta ang kanilang paninda. Nabibigla kasi ang ilang mamimili sa laki ng itinaas ng presyo kumpara sa mga nakaraang linggo.
Sa panayam sa ilang naglalako ng gulay, inilahad nilang galing pa sa bayan ng San Fabian sa Pangasinan ang suplay ng kanilang paninda.
Dahil sa kakulangan sa ani at suplay, napipilitan silang itaas ang presyo upang hindi malugi.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 100 pesos ang kilo ng talong na dati ay nasa 50 pesos lamang.
Nananatili naman sa 25 pesos ang bentahan ng okra, habang pumapalo na sa 110 hanggang 115 pesos ang presyo ng ampalaya kada kilo, ang sitaw naman ay nasa 90 pesos hanggang 100 pesos kada kilo, ngunit kung minsan ay ibinababa na rin sa 70 pesos para lamang maibenta.
Parehong apektado ang mga nagtitinda at mamimili sa sitwasyon.
Umaasa ang mga vendor na babalik sa normal ang suplay ng gulay upang bumaba rin ang presyo sa mga susunod na linggo.