Inirereklamo ng mga residente mula sa dalawang barangay sa bayan ng Laoac, Pangasinan ang isang poultry farm dahil sa lumalalang banta sa kalusugan bunsod ng pagdami ng mga langaw sa kanilang lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Nelson Gayo, dating vice mayor ng Laoac at residente ng Barangay Cabulalaan, sinabi niyang matagal nang suliranin ang nasabing poultry farm na nakatayo sa boundary ng kanilang barangay.

Bagama’t ipinahinto ang operasyon nito noong 2021, muling nagbalik ang operasyon nitong mga nakaraang taon.

--Ads--

Ayon kay Gayo, maging siya mismo ay apektado dahil malapit lamang ang naturang pasilidad sa kanilang tahanan.

Ang poultry farm ay pag-aari umano ni Engr. Alex Gaputan, na hindi residente ng Laoac kundi mula sa lungsod ng Urdaneta.

Nabatid na nagpasa ang kanilang barangay ng isang resolusyon noong 2024 at naglatag ng mga guidelines para sa pagkontrol ng pagdami ng langaw.

Mayroon din umanong limang taong moratorium na nagbabawal sa pagtatayo ng bagong poultry farm, ngunit hindi umano ito nasusunod, na nagpapakita ng kakulangan sa responsibilidad ng mga may-ari.

Kaugnay nito, nanawagan si Gayo sa mga kinauukulan na magsagawa ng masusing monitoring upang mabawasan at mapigilan ang patuloy na paglobo ng problema.

Dagdag pa niya, ang lumalalang sitwasyon ay dulot ng kakulangan sa implementasyon ng batas, mahinang political will, at kulang na regulasyon.