Hindi katanggap-tanggap ang posibilidad na muling makansela ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections na nakatakda sa Nobyembre 2026, kasunod ng pag-apruba ng Senado sa panukalang limang taong termino para sa mga barangay at SK officials.

Ayon kay Danilo Arao, Professor of Journalism sa UP Diliman at convenor ng Kontra Daya, karaniwang tatlong taon ang termino ng mga barangay at SK officials, ngunit ilang ulit nang naantala ang kanilang halalan.

Sinabi ni Arao na hindi lamang mga incumbent barangay at SK officials ang maaaring maapektuhan ng pagpapalawig ng termino. Aniya, maaari rin itong maging dahilan upang humirit ng pagpapalawig ng termino ang ilang lokal na lider.

--Ads--

Nanawagan si Arao sa publiko na patuloy na ipahayag ang pagtutol sa panibagong pagpapaliban ng Barangay at SK Elections upang maiparating sa administrasyong Marcos ang posisyon ng mga mamamayan.

Kinuwestiyon din niya ang mga ginastos ng Commission on Elections para sa paghahanda sa halalan, na aniya ay masasayang kung muling ipagpapaliban ang eleksyon.