DAGUPAN CITY — Hindi na ikinagulat pa ng True Colors Coalition ang naging pahayag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na maaaring matagalan pa ang pagpasa ng SOGIESC Bill sa Senado.
Ganito ang naging sentimyemto ni True Colors Coalition Spokesperson Jhay de Jesus sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa nasabing usapin.
Aniya na sa kanilang tingin ay lagi na lamang nagiging balakid ito sa kanilang buong laban sa pagsulong sa panukala na maging ganap na batas.
Saad nito na bagamat hindi nakakagulat ay nakakadismaya pa rin na walang naibubunga ang pagbabago sa liderato sa Senado at sa halip ay laging naiiwan at hindi naiisama ang equality bill sa prayoridad ng mga mambabatas.
Gayunpaman, umaasa ang kanilang grupo na sa tulong ni Senator Risa Hontiveros at ng mga LGBTQIA+ advocate ay magkakaroon ng pangungumbinsi sa mga senador na ang hakbangin na ito ay mahalaga upang protektahan ang mga indibidwal na kabilang sa komunidad na makakaranas ng diskriminasyon at karahasan.
Samantala, naniniwala naman ito na sa kasalukuyan ay malaki pa ang kinakailangang trabaho at mga hakbangin upang mas maging malawak pa ang bilang ng mga Pilipino na makaintindi at matanggap ang nasabing usapin.