Tahasang tinawag ni Prof. Mark Anthony Baliton, isang political analyst, na isang “circus” at kahiya-hiya ang kasalukuyang kalagayan ng politika sa Pilipinas, kung saan ang mga mambabatas ay tila nagmumulang mga “payaso” dahil sa matinding away-politika.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, binigyang-diin ni Baliton na ang mga kaganapan sa Senado ay bunga ng “political bickering” sa pagitan ng mga paksyong panig sa administrasyong Marcos at sa kampo ng Bise Presidente. Ayon sa kanya, dapat nang mag-mature ang mga opisyal at tanggapin ang kanilang papel bilang tunay na public servants sa halip na magpaubaya sa pansariling interes.
Tinukoy ni Baliton na ang pinakamalaking hamon sa bagong liderato ng Senado ay ang nakatakdang impeachment trial laban kay Bise Presidente Sara Duterte sa Hulyo 6. Binigyang-diin niya na ang “milyong Pilipino” ang huhusga sa magiging desisyon ng mga senador. Aniya, dito masusubok kung mangingibabaw ang katapatan sa bayan kaysa sa katapatan sa partido, at umaasang “tamang judgment” at konsensya ang paiiralin ng mga mambabatas sa gitna ng pressure ng publiko.
Mariing kinuwestiyon ni Baliton ang kredibilidad ng 18 dating Marines ni fugitive Zaldy Co na nag-akusa hinggil sa pagbibigay umano ng male-maletang pera sa ilang personalidad. Inilarawan niya ito bilang isang “comedy” at sinabing “zero credibility” ang mga naturang saksi dahil sa matinding inconsistency sa kanilang mga pahayag. Ayon sa analyst, tila ginagamit lamang ang mga saksing ito upang sirain ang pangalan ng mga binabanggit nilang opisyal.
Sa usapin naman ng Senate Blue Ribbon Committee, kinumpirma ni Baliton na tinanggihan ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang chairmanship nito dahil sa delicadeza. Ayon sa analyst, na-exhaust na ni Lacson ang lahat ng paraan sa imbestigasyon ng flood control controversy at nasa kamay na ng komite ang paglalabas ng report na makatutulong sa lehislasyon.
Sa huli, nagbabala si Baliton na ang ganitong mga eksena ay nagpapakita lamang ng kahinaan ng sistemang politikal sa bansa na dapat nang baguhin ng mga susunod na lider.










