Dagupan City – Nanindigan ang isang political analyst na hindi mapagkakatiwalaan ang Bejing dahil sa patuloy na ipinapakitang pang-aabuso ng mga ito sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Michael Henry Yusingco, Political Analyst, malinaw na gagawin talaga lahat ng China ang kanilang makakaya para bigyang takot ang mga Pilipino sa ating sariling national territory.

Ito’y matapos na namang nagsagawa ng pang-aabuso ang mga China – na hindi sa karagatan kundi sa himpapwid. Kung saan, nagpakawala ng mga ‘flares’ o pampasilaw na liwanag sa direksiyon ng aircraft ng Philippine Air Force (PAF) sa bahagi ng Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal).

--Ads--

Ayon kay Yusingco, hindi na dapat ito ikinakagulat ng pamahalaan dahil hindi patas lumaban ang mga tsino.

Dagdag pa nito, tanggapin na lang ng bansa na tila wala nang balak magbago at wala ring balak ang mga ito na igalang ang ating karapatan.

Binigyang diin pa ni Yusingco, taktika nila umano ito para subukan ang bansa para mauna ito sa pagiging offensive na ang layunin ay ipamukha sa atin na wala tayong laban sa kanila at sila ang may military supremacy kaysa sa atin.

Isa naman sa mga hakbang dapat aniya na gawin ay ang pakikipag-alyansa ng joint exercises at joint patrols.