Isinalarawan ng isang political analyst ang EDSA People Power Revolution bilang pagmumulat sa atin ng maling implementasyon ng martial law.

Ayon kay Professor Mark Anthony Baliton, ito ay makasaysayan dahil kung aalalahanin ang martial law, ito ay tumutukoy sa pang-aabuso ng taong nagpatupad nito sa karapatang pantao.

Dahil kung babalikan ang naging epekto nito sa nakaraan, marami pa rin ang nawawalang indibidwal at marami pa rin ang hindi natatagpuan ang labi ng mga namayapa sa panahong ito.

--Ads--

Sa pagdiriwang ng EDSA People Power Revolution sa araw ng Linggo, payo ni Baliton na huwag na lamang tumingin sa mga personalidad na nasa likod ng pagpapatupad nito at ng martial law, kung hindi isipin na lamang aniya ang kabuluhan ng paggunita nito.

Alalahanin na lamang aniya na ang People Power Revolution na ito ay isang game changer at tiyak na nakapagpabago sa pananaw ng gobyerno.

Nagkataon aniya na ang kasalukuyang pangulo ng bansa ay ang anak ng dating Pangulong si Ferdinan Marcos Sr. at marahil ay napakapersonal nito sa kaniya gawa ng ito ang panahong napatalsik ang kaniyang ama sa gobyerno.

Gayunpaman, hindi naman aniya nila nakikita ang posibilidad na maulit muli ito sa administrasyon ni Bong Bong Marcos Jr. dahil marahil ay natuto na siya sa kasaysayan at karanasan ng kaniyang ama.

Bukod sa dahilang ito, limitado na ngayon ang term of office sa konstitusyon ng Pilipinas ngayon kaya’t hindi aniya nakikitang mauulit ang kasaysayan sa administrasyong ito.

Ibinahagi rin ni Baliton ang kaniyang pananaw para sa mga direktang naapektuhan ng martial law kung saan kabilang dito ang pagpapatawad at paglimot sa nakaraan upang makaabante na sa buhay.

Payo na lamang ni Baliton na upang makita ang kakanyahan o essence ng EDSA People Power Revolution, dapat ay maging balanse ang ating pananaw at isiping sa bawat masamang nangyari ay mayroon ding mabuting naidulot, partikular sa gobyerno.