DAGUPAN CITY- Nasangkot sa isang aksidente ang Police Mobile ng Mangatarem matapos itong mabangga ng isang sedan kahapon ng umaga.
Batay sa mga kuhang video ng ilang netizen, makikita ang patrol vehicle ng pulisya na nasa gilid ng kalsada at wasak ang magkabilaang bahagi nito.
Dahil sa lakas ng banggaan, nahiwalay din ang gulong at nagkawasak-wasak ang harapang bahagi ng sedan na sangkot sa insidente.
Ayon kay PMaj Melchor, COP Mangatarem batay sa imbestigasyon ng pulisya, nasa kalagitnaan ng patrol operation ang police mobile habang binabaybay ang Pangasinan–Tarlac Highway nang bigla umanong sumulpot ang sedan mula sa kabilang linya ng kalsada.
Dahil sa bilis ng pangyayari, hindi na umano nakaiwas ang patrol vehicle kaya’t nauwi sa banggaan.
Lumalabas din sa paunang imbestigasyon na nakatingin umano sa kanyang cellphone ang driver ng sedan upang i-check ang GPS, dahilan upang mawala ang kanyang atensyon sa kalsada.
Sakay ng police mobile ang apat na pulis, habang hindi bababa sa lima naman ang sakay ng sedan.
Sa lakas ng impact, nagtamo ng mga sugat ang mga sakay ng sasakyan, habang isang personnel ng pulisya ang nagtamo ng Fracture.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya kaugnay sa insidente at posibleng mauwi sa pagsasampa ng kaso sakaling mapatunayang may pananagutan ang driver ng sedan.
Muling nagpaalala ang pulisya sa publiko na iwasan ang paggamit ng cellphone habang nagmamaneho upang makaiwas sa aksidente.










