Dagupan City – Nagbigay ng paalala ang Philippine National Police o PNP Mangatarem kaugnay sa tamang pagmamaneho matapos ang naitalang sunod-sunod na aksidente sa iba’t ibang bahagi ng bayan.
Ayon kay Police Major Arturo Melchor, Chief of Police ng Mangatarem, hinihikayat ang mga motorista na manatiling nakatuon sa kalsada at iwasan ang pagmamaneho kapag nakainom ng alak.
Aniya, ang kawalan ng pokus habang nagmamaneho ay isa sa mga karaniwang dahilan ng aksidente sa lansangan.
Dagdag pa ni Melchor, pinapayuhan ang mga drayber na magdahan-dahan lalo na kung hindi pamilyar ang dinaraanan.
Paalala rin niya ang pag-iingat sa mga kalsadang makikitid at may limitadong visibility.
Bilang karagdagang paalala, hinihikayat ng PNP Mangatarem ang lahat ng motorista na sumunod sa speed limit, gumamit ng seatbelt, at iwasan ang anumang distraksyon sa kalsada.
Anila, ang pagsunod sa mga patakarang ito ay mahalaga upang maiwasan ang aksidente at mapanatili ang kaayusan sa trapiko.
Ipinunto rin ng PNP Mangatarem na ipinagbabawal ang paggamit ng cellphone habang nagmamaneho dahil nakasaad sa Republic Act 10913 o Anti-Distracted Driving Act na mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng mobile devices habang umaandar ang sasakyan maliban kung hands-free, dahil may kaakibat na multa at parusa ang paglabag sa nasabing batas.










