Dagupan City – Pinalalakas ng Bugallon Municipal Police Station ang kanilang kampanya laban sa kriminalidad sa pamamagitan ng iba’t ibang programa at aktibidad sa ilalim ng pamumuno ni PMAJ Rodolfo S. Labayo Jr., Officer-in-Charge ng himpilan.
Ayon kay PLt. Darius Cabotaje, Deputy Chief of Police ng PNP Bugallon, nakatuon ang kanilang mga hakbang sa Police Intervention sa walong focus crimes kung saan aktibo ang pagsasagawa ng barangay visitation, house visitation, pulong-pulong o dayalogo sa komunidad, pamamahagi ng impormasyon sa pamamagitan ng flyers, at pagpapalaganap ng kaalaman sa social media.
Kabilang din sa mga inisyatiba ang school visitation at regular na inspeksyon sa mga establisimyento upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan sa komunidad. Ipinatupad din isang programa na nakatuon sa pag-iwas at pagtugon sa mga kaso ng panggagahasa bilang bahagi ng mas pinalawak na kampanya laban sa krimen.
Sa aspeto ng anti-criminality operations, patuloy ang pagsasagawa ng checkpoint, mobile at foot patrol, police visibility, at mga operasyon tulad ng Oplan Bakal, Oplan Galugad, at Oplan Bandilyo lalo na tuwing araw ng pamilihan upang mapaalalahanan ang publiko laban sa mga posibleng krimen.
Hinimok din ng kapulisan ang mga residente na maging mapagmatyag sa kanilang komunidad, lalo na sa mga bagong salta o hindi kilalang indibidwal, at agad ireport sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang maagapan ang posibleng krimen.
Samantala, binibigyang-diin din ng PNP Bugallon ang kaligtasan sa kalsada sa pamamagitan ng pagpapatupad ng disiplina sa trapiko, kabilang ang pananatili sa tamang lane para sa mga mababagal na sasakyan at pagsusuot ng reflective vest lalo na sa gabi upang maiwasan ang aksidente.
Pinapayuhan din ang mga motorista na magpahinga kung nakakaramdam ng pagod at iwasan ang pagmamaneho sa ilalim ng impluwensya ng alak upang matiyak ang kaligtasan ng lahat sa kalsada.
Para naman sa kabataan, hinihikayat ng kapulisan ang mga mag-aaral na sundin ang payo ng kanilang mga magulang at guro upang makaiwas sa ilegal na gawain at masamang bisyo.
Layunin ng mga programang ito na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Bugallon sa pamamagitan ng aktibong pakikipagtulungan ng pulisya at komunidad.










