Dagupan City – Ipinagdiwang ng Binmaley Municipal Police Station ang unang 100 araw ng pamumuno ni PLtCol. Lister A. Saygo bilang Officer-in-Charge kasabay ng paglulunsad ng Oplan Kamalayan na naglalayong tugunan ang mga isyung kinakaharap ng kabataan sa komunidad.
Ayon kay Saygo, naging matagumpay ang mga isinagawang police operations at community engagement ng himpilan na nakatulong upang mapanatili ang kaayusan at mabawasan ang antas ng krimen sa bayan.
Aniya, patuloy pang palalakasin ng kanilang tanggapan ang mga programa at operasyon upang mas mapahusay ang serbisyo sa mamamayan.
Kasabay ng selebrasyon ay inilunsad ang Oplan Kamalayan na nakatuon sa pagbibigay ng kaalaman at awareness sa kabataan hinggil sa mga isyung panlipunan tulad ng teenage pregnancy, HIV at AIDS, at iba pang panganib na maaaring makaapekto sa kanilang kinabukasan.
Sa ilalim ng programa, magsasagawa ang pulisya ng mga lecture at information drive sa mga barangay at paaralan upang maabot ang mga kabataan at iba pang vulnerable sectors tulad ng kababaihan at mga mag-aaral.
Layunin din ng programa na mapalakas ang literacy, mahikayat ang responsableng pag-uugali, at mapaigting ang partisipasyon ng buong komunidad sa paghubog ng kabataan.
Ibinahagi naman ni Ana Marie Merrera, First Lady ng Binmaley, ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan sa mga magulang lalo na sa mga ina upang mas maayos na maiparating ang mga sensitibong usapin tulad ng HIV, AIDS at iba pang social issues.
Aniya, mahalaga ang papel ng pamilya at komunidad sa paggabay sa kabataan upang maiwasan ang mga problemang panlipunan.
Suportado rin ng lokal na pamahalaan ang naturang programa. Ayon kay Mayor Pedro “Pete” Merrera III, mahalagang magtulungan ang iba’t ibang sektor ng komunidad kabilang ang mga barangay, pulisya, Municipal Health Office at iba pang ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga programang naglalayong protektahan ang kabataan.
Nagpahayag din ng suporta si Vice Mayor Edgar Mamenta sa pamumuno ni Saygo at kinilala ang kanyang pagiging aktibo sa pagpapatupad ng mga programa para sa kapayapaan at kaayusan sa Binmaley.
Samantala, iginiit ni Saygo na ang unang 100 araw ng kanilang pamumuno ay simula pa lamang ng mas pinalakas na serbisyo ng pulisya sa bayan.
Patuloy aniya nilang ipatutupad ang mga police operations tulad ng checkpoints, Oplan Sita at pagpapalakas ng police visibility upang mapanatili ang peace and order sa Binmaley.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng pulisya, lokal na pamahalaan at ng buong komunidad, inaasahang mas mapapalakas ang mga programang nakatuon sa kaligtasan ng mamamayan at sa paghubog ng responsableng kabataan sa bayan ng Binmaley.










