Nagbabadya ng malawakang kilos-protesta at posibleng transport strike ang transport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) bunsod ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Mody Floranda, National president ng grupo, na nagsimula na silang magsagawa ng protesta sa harap ng ilang oil company, kabilang ang Petron, upang ipahayag ang kanilang panawagan sa pamahalaan na agarang tugunan ang problema ng sektor ng transportasyon.

Ayon kay Floranda, halos lingguhan na ang pagtaas ng presyo ng langis mula pa noong Enero, na labis na nagpapabigat sa mga tsuper at operator ng pampublikong sasakyan.

--Ads--

Sinabi ng lider na naghahanda sila ng national coordinated protest bago matapos ang Marso at inaasahang lalahukan ito hindi lamang ng mga jeepney driver kundi pati ng mga tsuper ng UV Express, taxi, tricycle at maging mga motorcycle rider.

Layunin ng kanilang planong transport strike na igiit sa administrasyon ang mga hakbang upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Ibinahagi ni Floranda na mula Oktubre 2023 hanggang sa kasalukuyan ay umabot na sa humigit-kumulang ₱60.50 kada litro ang kabuuang pagtaas ng presyo ng langis.

Dahil dito, tinatayang mahigit ₱1,000 kada araw ang nababawas sa kita ng isang tsuper kung aabot sa 30 litro ang konsumo ng sasakyan.

Iginiit din ng PISTON na kailangang repasuhin ang kasalukuyang patakaran sa industriya ng langis, kabilang ang Oil Deregulation Law, dahil umano sa patuloy na pagtaas ng presyo na direktang nakaaapekto hindi lamang sa transport sector kundi pati sa presyo ng mga pangunahing bilihin.

Sa ngayon, patuloy na nananawagan ang PISTON sa pamahalaan na magpatupad ng mas konkretong hakbang upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga tsuper at operator, gayundin ang kapakanan ng mga mamamayang apektado ng tumataas na presyo ng langis.