Kasalukuyan pa ring nagpapatuloy ang pagbabalik ng supply ng kuryente sa maraming lugar sa Japan matapos itong yanigin ng 7.4 magnitude na lindol kagabi.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo RadyoDagupan kay Miles Briones Beltran Bombo International News Correspondent o BINC sa Japan na mahigit dalawang milyong bahay ang nakaranas ng power interruption, kabilang ang 700,000 sa Tokyo bagamat naibalik naman ang supply ng kuryente sa ilang mga naapektuhang lugar.
Kwento pa nito, na katatapos lamang ng selebrasyon ng kaniyang kaarawan nang maramdaman ang pagyanig .
Nakita umano nito na umuga ang kaniyang lamesa at gumalaw ang baso kaya’t agad itong bumaba ng kaniyang kinaroroonan na asa ika limang palapag.
Matagal din aniya ang pag uga na tumagal ng ilang minuto hanggang makababa ito ng gusali.
Narinig din niya ang mga sirena na nagmula sa mga tahanan.
Sa lakas aniya ng pagyanig kahit na malalim ang tulog ng tao ay tiyak aniyang magigising.
Nabatid na ayon sa Japan Meteorological Agency, tinamaan ng malakas na lindol ang Silangang bahagi ng Japan, na yumanig din sa Tokyo.
Dahil dito, ilang naglabas ng tsunami advisory sa ilang parte ng northeast coast.
Namataan ang sentro ng lindol sa Fukushima region at may lalim na 60 kilometers.