Kasalukuyan nang biniberipika ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga ulat hinggil sa isang Pilipinong napatay diumano habang nakikipaglaban kasama ang puwersa ng Russia sa patuloy na digmaan sa Ukraine.
Ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, hindi pa opisyal na makumpirma ng militar ang pagkakakilanlan ng nasabing Filipino fighter, maging ang mga eksaktong sirkumstansya sa likod ng insidente.
Binigyang-diin niya na masyado pang maaga para magbigay ang AFP ng tiyak na pahayag habang gumugulong pa ang proseso ng imbestigasyon at validation.
Inilabas ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang pahayag kasunod ng ulat mula sa isang independent Ukrainian news agency. Ayon sa intelligence agency ng Kyiv, isang 37-anyos na Pilipino na nagmula sa Metro Manila ang nasawi sa Donetsk Region habang lumalaban para sa panig ng Russian military.
Batay sa nakalap na impormasyon ng Ukrainian Defense Intelligence, nakakuha ng Russian visa ang fighter noong Enero 2026 at bumiyahe patungong Russia noong Abril. Lumagda umano ito ng kontrata sa Russian Armed Forces noong Mayo 3.
Matapos ang isang linggong military training, agad isinabak sa frontline ang naturang Pilipino, kung saan siya napaslang noong huling bahagi ng Mayo sa isang pag-atake malapit sa Katerynivka sa rehiyon ng Donetsk.
Nauna naman nang nagpaalala ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga Pilipino laban sa pagsama sa mga foreign armed conflict o pagganap bilang mga “mercenary” o bayarang sundalo sa ibang bansa.










