Idineklarang kontrolado na ang pinakamalaking wildfire sa France, mahigit isang linggo matapos itong sumiklab sa Gironde sa timog-kanlurang bahagi ng bansa.
Ayon kay Vladelyte Valdez, Bombo International News Correspondent sa France, bagama’t nasa ilalim na ng kontrol ang mga sunog sa bansa, hindi pa rin ganap na naapula ang apoy sa ilang lugar.
Apektado ng wildfire ang 23 munisipalidad na nagresulta sa pagkamatay ng apat na firefighter, pagkasunog ng nasa 42,000 ektarya ng lupain at 240 kabahayan, habang umabot naman sa 224,000 katao ang inilikas.
Matatandaang sumiklab ang pinakamalaking wildfire sa isang pine forest malapit sa lungsod ng Bordeaux sa timog-kanlurang France.
Ilang linggo nang nakikipaglaban ang mga awtoridad sa magkakasunod na wildfire kasunod ng serye ng heatwave na nagdulot ng matinding pagkatuyo ng mga ilog at vegetation.
Iniuugnay ng mga siyentista ang ganitong matitinding kondisyon ng panahon sa climate change na dulot ng aktibidad ng tao.










