DAGUPAN CITY- Ipinagdiwang kagabi ang makulay na Bangus Festival 2025 bilang pagkilala sa lungsod na tinaguriang “Bangus Capital of the Philippines”.
Pinakatampok sa pagdiriwang ang Kalutan ed Dalan na ginaganap ng gabi ng Abril 30 sa kahabaan ng De Venecia highway Extension sa lungsod.
Pansamantala munang isinara ang nasabing kalsada para bigyan ng malawak na space ang mga makikilahok sa kalutan.
Nagsimula ang hilera ng grills mula sa entrance road ng De venecia Highway sa may parteng lucao hanggang sa tulay ng nasabing kalsada.
Ang bawat grill package ay mula sa lokal na pamahalaan ng lungsod na may kasamang limang kilo ng sariwang bangus at iba pang kagamitan para sa pag-iihaw.
Samantala, inaasahan ng lokal na pamahalaan ng lungsod na aabot sa mahigit kumulang 1,000,000 katao mula sa iba’t ibang lugar ang dadalo upang makisaya at makisalo sa tradisyonal na ihawan hangang sa pagtatapos ng aktibidad.
Nauna nang isinagawa ang selebrasyon ang iba’t ibang aktibidad gaya ng Bangus Cook-Off, kung saan nagtagisan ang mga kalahok sa pagluluto ng mga natatanging putahe gamit ang bangus at bangus rodeo at iba pa.
Hindi naman naging balakid ang init ng panahon para sa mga dumalo upang ma-enjoy ang mga aktibidad kasama ang kanilang pamilya o kaibigan.
Para sa mga first timer, sinulit ang pag-iihaw ng bangus dahil anila, sa kalidad ng bangus na mayroon sa Dagupan kaya ito binabalikbalikan.
Samantala, tampok din ang kantahan at sayawan sa nasabing aktibidad kung saan bumisita ang ilang mga kilalang artist para magtanghal sa 9 na entablado sa lungsod.
Bagamat inaasahan ang pagdagsa, marami rin ang inagahan ang pagpunta sa nakatalagang stage ng kanilang iniidolo.
Samantala, bahagyang naranasan ang pag ulan sa nasabing lugar kaya naman pansamantala munang natigil ang pag-iihaw ng ilang mga residente maging ang mga manunuod sa nasabing entablado nagsitakbuhan para maghanap ng masisilungan. Agad din naman nagpatuloy ang selebrasyon nang huminto ang ulan.