DAGUPAN CITY- Ipinaliwanag ng isang dermatologist ang pinagmumulan ng pigmentary disorder at ang paggamit din ng mga skin lightening agent products.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. May Gonzales, Head ng Region 1 Medical Center (R1MC) Dermatology Specialty Center, ang pigmentary disoder ay uri ng kondisyon kung saan nagbabago ang kulay ng balat ng isang tao.
Ito ay dahil sa nagkakaroon ng pagbabago sa melanin, ang natural na pigment na ginagawa ng mga selula na kung tawagin ay melanocytes.
Aniya, iba’t iba ang maaaring pinagmumulan nito kabilang na ang genetics o namamana, hormonal changes, exposure sa ultraviolet rays, inflammation o injury, autoimmune reactions, at marami pang iba.
Isa sa mga halimbawa nito ay ang vitiligo, pikas, melasma, at albinism.
Ibinahagi ni Dr. Gonzales na nakadepende naman sa uri ng naturang kondisyon ang isasagawang paggamot.
Gayunpaman, karaninwan ginagamit ng mga dermatologist ay ang kombinasyon ng topical creams, chemical peels, at therapy.
Samantala, tinalakay din ng eksperto ang paggamit ng mga produkto ng skin lightening agents na kadalasang pinopromote ng mga social media influencers.
Bagaman hindi taliwas si Dr. Gonzales sa mga produktong ito, kailanga pa rin aniya maging mapanuri ng mga mamimili.
Aniya, dapat tiyakin na Food and Drug Administration (FDA) approved ang mga ito at makikita ang sertipikasyon sa website ng ahensya.
Binigyan diin niya na mahalagang hindi lalagpas sa 4% ang Hydroquinone content ng naturang produkto.
May mga produkto rin na in-take ang paggamit at hindi pagpahid sa balat at mahalagang ito ay prescribed ng isang dermatology.
Dagdag pa ni Dr. Gonzales, hindi lahat ng tao ay maaaring gumamit ng ganitong mga produkto dahil may ilan na nagtitrigger ng skin allergy.
Habang ang mga pekeng produkto ay may banta sa kalusugan ng gagamit.










