Nilagdaan na bilang Republic Act No. 12180 ang PHIVOLCS Modernization Act, isang makabagong batas na naglalayong palakasin ang kakayahan ng bansa sa pag-detect at pagtugon sa mga banta ng lindol at iba pang geological hazards.

Itinataguyod ng bagong batas ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) bilang isang ahensiyang nasa ilalim ng Department of Science and Technology (DOST), na may espesyal na mandato: pag-aralan, bantayan, at magbigay ng abiso sa publiko ukol sa mga paparating na pagyanig o sakuna kaugnay ng paggalaw ng lupa.

Ayon kay Atty. Joey Tamayo, ang batas ay isang simpleng hakbang na may malalim na layunin ang mas mapaghanda ang sambayanan, mula sa mga kabataan at senior citizens hanggang sa mga negosyo at kabuhayan, sa harap ng panganib ng mga lindol at posibleng tsunami.

--Ads--

Aniya bahagi ng modernisasyon ay ang mas epektibong sistema ng early warning at ang pagpapalawak ng research infrastructure upang mas mapag-aralan pa ang mga banta tulad ng Manila Trench.

Ito ay isang malaking bitak sa ilalim ng karagatan sa kanlurang bahagi ng Luzon, kung saan nagbabanggaan ang tectonic plates.

At ito rin ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit nasa panganib ang mga coastal areas ng bansa.

Ayon sa PHIVOLCS, sakaling magkaroon ng malakas na lindol na magmumula sa Manila Trench, may 15 hanggang 30 segundo lamang ang publiko upang makapaglikas at mailigtas ang kanilang sarili bago dumating ang epekto ng lindol o tsunami.

Dahil dito, mahalagang bahagi ng batas ang pagpapalaganap ng kaalaman at paghahanda sa mga komunidad.

Nagpaalala naman si Atty. Tamayo sa publiko na tiyakin na ang bawat mamamayan ay may akses sa tamang impormasyon, teknolohiya, at suporta upang mapanatiling ligtas ang buhay at kabuhayan.