DAGUPAN CITY- Taliwas na ang grupong Busina sa kahilingan ng mga ‘unconsolidated’ jeepneys na muling mabuksan ang pagpaparehistro sa Modernization Program.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Marlyn Dela Cruz, Presidente ng nasabin grupo, “enough is enough” at sapat na ang mga nagdaang ekstensyon na ibinigay para sa mga ito.
Aniya, hindi na dapat mabigyan ng ekstensyon pa dahil maraming beses na rin sila nabigyan ng pagkakataon subalit hindi sila nakiisa.
Oras na rin aniya upang sila naman ang mapagbigyan at maresolba ang Local Public Transport Route Plan (LPTRP) at malaman ang kanilang bilang sa isang ruta.
Saad ni Dela Cruz, marami na rin kase silang kaagaw sa daan dahil marami na ang iba’t ibang klaseng transportasyon, katulad na lamang ng umuusong ‘ride-hailing apps’ at mga kolorum.
Kung sakali naman magkaroon ng ekstensyon, kahilingan na lamang nila ang pakikipagdayalogo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DOTr) sa kanilang nakipagmodernisasyon.
Hindi na rin kase nagiging maganda ang pag-usad sa modernization program dahil sa may mga problemang hindi pa nareresolba.
Gayunpaman, umaasa pa rin si Dela Cruz na gaganda pa ang sistema ng transportasyon sa bansa.
Samantala, mas hangad naman ng mga gumagamit ng modernized jeepneys ang pagbaba sa presyo ng produktong petrolyo kaysa pagbaba ng pamasahe.
Ani Dela Cruz, mas doble kase ang pagpapagasolina ng mga modernized dahil sa may aircon ito.
Gayunpaman, bukod sa fuel subsidy, makakatulong din ang kanilang kahilingan na service contracting program.
Karagdagan itong kita para sa kanilang mga public transportation drivers at makatutulong sa kanilang mga bayarin.