DAGUPAN CITY- Tinalakay sa Sangguniang Panlungsod ng Dagupan ang panukalang ordinansa na gawing permanente ang pagbabawal sa loading at unloading ng isda at iba pang produktong pangisdaan sa harap ng City Plaza, bilang bahagi ng mga hakbang upang mapabuti ang daloy ng trapiko at mapanatili ang kaayusan sa sentro ng lungsod.
‎
‎Sa isinagawang committee hearing, iminungkahi ang open area malapit sa docking station sa Babaliwan, sa dating lokasyon ng NBI Office sa A. B. Fernandez Avenue, bilang opisyal na lugar para sa loading at unloading ng mga produktong pangisdaan.
‎
‎Kasama rin sa panukala ang pormal na pagtatalaga sa Pantal Dike Road patungo sa Magsaysay Consignacion Market bilang alternatibong access route ng mga fish delivery vehicles at porters.
‎
‎Pinangunahan ng principal author ng ordinansa at Chair ng Committee on Peace and Order na si Councilor Chito Samson, kasama sina Councilors Atty. Joey Tamayo, Marcelino Fernandez, Michael Fernandez, at Tala Paras. Dumalo rin ang mga kinatawan ng Public Order and Safety Office o POSO, gayundin ang mga may-ari ng consignacion na nakabase sa Magsaysay Market.
‎
‎Patuloy pa ring susuriin ng konseho ang mga detalye ng panukala, kabilang ang epekto nito sa mga negosyante, delivery workers, at pangkalahatang kaayusan ng trapiko sa Dagupan.










