Dagupan City – Binigyang diin ng PENRO Pangasinan (Provincial Environment and Natural Resources Office – Pangasinan) ang kahalagahan ng Coastal cleanup drive sa gitna ng climate crisis sa bansa.

Ayon kay Analyn N. Viray, Supervising Ecosystems Management Specialist, Chief Planning and Monitoring Section, PENRO – Pangasinan, taong 1994 pa lamang kasi ay hinihikayat na ang publiko na makibahagi sa mga boluntaryong simultaneous cleanup activities upang mapangalagaan ang kalikasan.

Kung saan, ang Pilipinas ay tinaguriang “Cleanup Capital of the World”, at noong 2003, pormal nang idineklara sa pamamagitan ng Presidential Proclamation na tuwing ikatlong Sabado ng Setyembre ay ginugunita ang International Coastal Cleanup Day.

--Ads--

Binigyang-diin ni Viray na sa gitna ng lumalalang climate crisis, napakahalaga ng pagtutulungan ng iba’t ibang sektor, lalo na ng mga environmental advocates, upang maisulong ang malawakang paglilinis ng mga baybayin, ilog, at iba pang katubigan.

Sinabi rin niya na katuwang ng kanilang departamento ang mga Local Government Units (LGUs) sa pagpapatupad ng mga river cleanup activities upang maprotektahan at mapanatili ang likas na yaman ng bansa.

Ikinatuwa rin nito na kahit walang direktang insentibo ay nag-kukusang-loob na tumutulong ang maraming Non-Government Organizations (NGOs) sa mga coastal areas.

Ngayong taon, ang international coastal cleanup ay may temang “Climate Seas Against the Climate Crisis”.

Bahagi ng kampanya ang pagbibigay-kaalaman tungkol sa epekto ng micro plastics na unti-unting sumisira sa mga marine resources, kabilang na ang tinatawag na blue carbon ecosystems.

Dagdag pa ni Viray, ang labis na pagbuga ng carbon dioxide ay nagdudulot ng ocean acidification, na mas lalong nagpapalala sa epekto ng climate change sa mga yamang-dagat.

Kaugnay nito hinikayat niya ang publiko na makipagtulungan sa mga LGUs at pairalin ang disiplina sa loob ng tahanan, sapagkat dito nagsisimula ang pagiging responsable ng bawat isa.

Nanawagan naman ito sa publiko na makipagtulungan sa mga lgu’s gaya na lamang sa lungsod ng Dagupan na isinusulong nilang goodbye basura.