Mga kabombo! Isa ba kayo sa mga nagnanais magpa dental veneers?
Isang nakakabahalang pangyayari kasi sa Florida ang naganap matapos gamitin sa dental procedure ang super glue?
Oh no! Ayon sa ulat, isang 35-anyos na babae sa Florida, U.S.A., ang inaresto ng mga awtoridad matapos siyang akusahan ng pagsasagawa ng mga dental procedure nang walang lisensiya, kabilang na ang pagkakabit ng dental veneers gamit ang super glue.
Kinilala ito na si Emely Martinez, na nagpakilala bilang isang “smile makeover expert” sa social media at nang-aakit ng mga kliyente sa pamamagitan ng pag-aalok ng napakamurang full-mouth veneer treatment na nagkakahalaga lamang ng $2,500.
Ngunit nabisto ang kanyang modus matapos magreklamo ang dalawa sa kanyang mga kliyente na nagtamo ng matinding pinsala sa ngipin, impeksiyon, at toothache. Nalaman nila mula sa mga tunay na dentista na ang kanilang veneers ay idinikit lamang gamit ang “Krazy Glue”, isang brand ng Super Glue.
Si Martinez, na dati nang inaresto para sa kaparehong krimen, ay nahaharap ngayon sa mga kasong fraud and practicing dentistry without an active license.