Kinumpirma ng Palasyo ng Malakanyang na pormal ng hihilingin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kongreso na pagkalooban siya ng emergency powers para bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo sa gitna ng krisis sa Middle East.

Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, ang Department of Energy (DOE) ang magsusumite ng formal request sa Kongreso bilang kinatawan ng Pangulo dahil siya ay nasa New York para sa dalawang araw na working visit.

Inaasahang isusumite ngayong araw ng Lunes, Marso 9 ang nasabing formal request.

--Ads--

Kung maaala, sinabi ni Pangulong Marcos na makikipag-usap siya sa mga lider ng Kongreso upang mabigyan ng kapangyarihan ang pangulo na bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo sakaling tumaas ang presyo ng Dubai crude oil sa mahigit $80 kada bariles.

Ayon kay Marcos, ito ay magiging emergency measure na ipatutupad agad kapag natapos ang sigalot sa Middle East.

Sa kabilang dako, sinabi pa ni Castro na nagpalabas na ang Department of Energy ng show-cause order laban sa 54 gas stations na hayagang nagtaas ng presyo ng gasolina.

Ani Castro, nakausap niya si Energy Secretary Sharon Garin ukol dito at nabanggit sa kanya ng Kalihim na maraming gasoline stations ang nagtaas ng presyo nang hindi nararapat.