Dagupan City – Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) na ipatupad ang lahat ng contingency plans para matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino sa Gitnang Silangan kasunod ng mga ulat ng airstrikes sa Iran.
Sa isang opisyal na pahayag, binigyang-diin ng Pangulo na “paramount” o pinakamahalaga ang seguridad ng mga kababayan natin sa rehiyon.
Ayon naman kay DFA Secretary Maria Theresa Lazaro, nasa “full alert” na ang mga embahada ng Pilipinas sa Tehran at Tel Aviv, gayundin sa mga bansa sa Gulf Cooperation Council (GCC) kung saan marami ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Kinumpirma ng DFA na sa kasalukuyan ay wala pang iniuulat na Pilipinong nasaktan o direktang naapektuhan ng mga pagsabog.
Gayunpaman, mahigpit ang paalala ng pamahalaan sa mga Pinoy sa naturang mga lugar na manatili sa loob ng kanilang mga tahanan at iwasan ang mga pampublikong lugar habang mainit ang sitwasyon.
Nakiisa rin ang Pilipinas sa panawagan ng United Nations para sa agarang diyalogo at negosasyon upang mapigilan ang lalong paglala ng tensyon sa pagitan ng Israel, Amerika, at Iran.










