Inatasan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan nitong Sabado, Peb. 28, na tiyakin ang kaligtasan ng mga Pilipino sa Middle East kasunod ng mga serye ng pag-atake Iran laban sa mga base militar ng Estados Unidos sa Gulf Arab states.
“We have received reports of airstrikes that hit Iran. We are in the process of getting more information,” pahayag ni Marcos Jr. sa kanyang post sa X (dating twitter).
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), wala pa sa kasalukuyan ang naiulat na Pilipinong naapektuhan o nasaktan dahil sa tumitinding sigalot.
“The DFA has assured that embassies stand ready to assist our nationals. We continue to advise Filipinos to stay in their homes or safe places and refrain from going out to public places at this time,” ayon sa ahensya.
Matatandaang nag-ugat ang sigalot matapos ang ginawang joint missle attack ng Amerika at Israel na hindi naman pinalagpas ng Tehran.
Sa kabilang dako, hinikayat na ng diplomatic mission ng Pilipinas sa United Arab Emirates (UAE), ang mga Pilipino na manatiling kalmado at subaybayan ang opisyal na abiso mula sa pamahalaan ng UAE at sa Embahada o Konsulado ng Pilipinas.
“In the event of any unusual incident, all Filipinos are cautioned to shelter in their homes and refrain from making unnecessary movements,” ayon sa advisory.
Sa Tel Aviv, pinayuhan din ng Embahada ng Pilipinas ang mga Pilipino na manatili sa loob ng bahay at maging handa sa posibleng pagpunta sa mga itinalagang shelter sakaling lumala ang sitwasyon.
Tinatayang nasa 30,000 ang mga Pilipinong manggagawa ang nasa Israel, karamihan ay caregivers.
Samantala, mahigit 1,000 naman ang mga Pilipino ang nasa Iran.
Naglabas din ng katulad na paalala ang Embahada ng Pilipinas sa Kuwait, kung saan pinayuhan ang mga Pilipino na manatili sa bahay o sa ligtas na lugar, tiyaking may sapat na baterya ang mga mobile phone, at iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon.
Nauna rito, sinabi ni U.S. President Donald Trump sa isang video post sa social media na nagsagawa ang U.S. ng “major combat operations” sa Iran, at inakusahan ang Tehran sa patuloy na nuclear program nito.
Nanawagan din si Trump sa mga Iranian na agawin na ang kapangyarihan mula sa kanilang pamahalaan.









