BOMBO DAGUPAN -Tumaas ang presyo ng mga isda sa merkado sa lungsod ng Dagupan, bunsod ng naranasang pag-ulan at sunod-sunod na pagpasok ng bagyo sa Pilipinas.

Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Westley Rosario, Chairman ng Board of Fisheries at Professional Regulation Commission, at Former Center Chief ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resource o BFAR- National Integrated Fisheries Technology Development Center o NIFTDC, malaki ang epekto ng sunod-sunod na pagpasok ng bagyo sa bansa na naging dahilan upang hindi makapagpa-laot ang mga mangingisda sa dagat.

Pinabulaanan din ni Rosario na kakulangan sa suplay ng isda lalong lalo na sa Region 1 ang naging dahilan upang tumaas ang presyo nito sa merkado.

--Ads--

Ayon pa sa kaniya, ang lalawigan ng Pangasinan ay surplus producer ng mga isda kung saan sinasabing umaabot sa mahigit kumulang 50 hanggang 60 porsiyento ng inaangkat na isda sa Metro Manila ay manggagaling sa mga palaisdaan at dagat sa lalawigan, kaya’t malabong maging dahilan ang kakulangan sa suplay.

Samantala, nabanggit din niya ang kahalagahan ng aquaculture sa bansa, dahil ito raw ang magsisisibi bilang pagkukuhaan ng suplay ng mga isda sa mga panahong hindi makapag-laot ang mangingisda sa dagat dulot ng iba’t-ibang mga kadahilanan.

Nanawagan naman ito na sana’y pag-ibayuhin ang effort ng gobyerno upang mapaganda ang produksiyon ng mga isda mula sa aquaculture nang sa gayon ay maaari itong magsilbing pagkukuhanan ng pangangailangan ng mga tao.