“Set your goals & focus on it.”

Nagtapos sa kolehiyo nang walang anumang parangal o honors ngunit hinirang na Topnotcher sa katatapos lang na 2021 Pharmacist Licensure Examination si Angelo Proceso Feliciano Zarate.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Angelo na tubong Barangay Herrero-Perez, Dagupan City sa lalawigan ng Pangasinan, hindi umano nito hinayaan na maging hadlang ang COVID-19 pandemic para manguna sa naturang pagsusulit, bagkus ay ginamit nito ang kaniyang mga libreng oras sa kasagsagan ng pandemya bilang advantage upang mas makapag-aral.

--Ads--

Kasama ng kaniyang mga kaklase ay humanap pa rin umano sila ng paraan upang makapag-aral ng magkakasama o ang pagsasagawa ng online study group.

Tinig ni Angelo Proceso Zarate

Ibinahagi ni Angelo na nais nitong mapunta o makapagtrabaho sa drug manufacturing companies ngunit bukas pa rin naman umano ang kaniyang pinto sa iba pang posibleng oportunidad.

Sa ngayon ay nais din nitong makatulong sa bansa sa pagtugon na mawakasan na ang pandemya.

Payo nito na sa mga mag-aaral, maaari silang bumuo ng sarili nilang sistema sa pag-aaral na siyang makakatulong sa kanila.

Huwag din aniyang pababayaan ang sariling kalusugan at ugaliing magkaroon ng sapat na tulog o pahinga, gayon na rin sa pagkain.

Nagtapos ito sa Lyceum Northwestern University.

Matatandaang kagabi, ika-30 ng Abril nang inanunsiyo ng Professional Regulation Commission (PRC) na 674 ang pumasa mula sa 1,168 na sumailalim sa nasambit na eksaminasyon.

Ang higit 1,000 examinees ay nagmula sa Board of Pharmacy ng ilang siyudad ng Cagayan de Oro, Cebu, Iloilo, Legazpi, Pagadian, Pangasinan, at Zamboanga.