Dagupan City – Nagpulong ang Provincial Agriculture Office (PAgO) at Municipal Agriculture Office (MAO) sa Mangaldan upang talakayin ang pagpapatuloy ng Provincial Corporate Farming Program ng Pamahalaang Panlalawigan bilang suporta sa adbokasiyang itinataguyod ng lokal na pamahalaan para sa mga magsasaka.
Pinangunahan ni Ramy P. Sison, Supervising Administrative Officer ng PAgO, ang pagpapaliwanag sa pangunahing direksyon ng programa.
Sentro ng diskusyon ang paggamit ng convergence strategy at farm consolidation approach para mapababa ang gastusin sa produksyon, mapataas ang ani, at mas maayos na magamit ang makinarya at makabagong teknolohiya.
Bahagi ng proyekto ang pag-engganyo sa mga anak ng magsasaka na pumasok sa larangan ng agrikultura.
Kabilang dito ang pagsasanay sa paggamit ng modernong kagamitan, paghawak sa produksyon, at pag-aaplay ng mas sistematikong pamamaraan sa pagsasaka.
Inilatag din ang mga benepisyong inaasahang makukuha ng mga magsasaka, gaya ng site-specific production technology, pest management practices, at pagpapalakas sa mga farm cooperatives and associations (FCA).
Bilang karagdagang suporta, ipinakilala ang Palay Procurement and Processing Project na nakatuon sa marketing component ng produksyon.
Saklaw nito ang pagbibigay ng mas maayos na daloy ng pondo para sa lalawigan at pagtiyak na makapagbibigay ng abot-kaya at de-kalidad na bigas, kabilang ang premium varieties, sa mamamayan.
Inaasahang higit pang maeengganyo ang mga farmer associations na aktibong sinusuportahan ng pamahalaang lokal sa pangunguna ni Mayor Bona, habang pinatitibay ang sektor ng agrikultura sa Mangaldan at buong Pangasinan.










