Dagupan City – ‎Lumahok ang tinatayang 750 mag-aaral ng Bolosan Elementary School sa isinagawang Junior Child Health Advocate Program na dinala sa kanilang paaralan.

Pinangunahan ang aktibidad ng City Health Office of Dagupan katuwang ang Mary Help of Christians Theology Seminary bilang bahagi ng kampanya sa pagpapalawak ng kaalaman sa kalusugan sa hanay ng kabataan.

‎Layunin ng programa na hikayatin ang mga mag-aaral na maging mulat sa kalagayan ng kalusugan ng kanilang mga magulang at iba pang kasapi ng pamilya.

Tinalakay sa aktibidad ang kahalagahan ng maagang pagkilala sa sintomas ng karamdaman at ang pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad pangkalusugan upang mabigyan ng kaukulang atensiyon.

‎Ayon sa mga tagapagpatupad, bahagi ito ng mas pinalakas na information drive upang maisulong ang preventive healthcare sa komunidad.

--Ads--

Hinihikayat din ang mga pamilya na makipag-ugnayan sa lokal na health office para sa konsultasyon at iba pang serbisyong medikal kung kinakailangan.

‎ Inaasahan ng mga organizer na magpapatuloy ang mga kahalintulad na programa sa iba pang paaralan sa lungsod bilang suporta sa adbokasiya sa kalusugan.