Mas umigting pa ang kampanya ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) laban sa ilegal na droga at kriminalidad dito sa probinsya.

Ayon kay Plt. Trisha Mae Guzman, PIO ng Pangasinan PPO, sa loob ng isang linggo, matagumpay na naisagawa ang 13 anti-illegal drug operations sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan, kung saan 17 katao ang naaresto mula Agosto 9 hanggang 15, 2025.

Umabot sa 8.736 gramo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska mula sa mga suspek.

--Ads--

Bahagi ito ng pinaigting na pagpapatupad ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ayon kay Guzman, bukod sa mga operasyon kontra droga, naaresto rin ang 14 na most wanted persons at 3 iba pang wanted individuals na matagal nang pinaghahanap ng batas.

Malaking hakbang ito sa pagpapaigting ng seguridad sa mga komunidad.

Dagdag pa rito, kabilang din sa mga tutok na krimen na tinugunan ng kapulisan ay ang mga kaso ng vehicular traffic incidents (VTI), kung saan isinasagawa ang mas mahigpit na monitoring at pagbabantay sa mga pangunahing lansangan at terminal sa lalawigan.

Samantala, 6 na operasyon ang isinagawa bilang tugon sa mga tawag sa 911 emergency hotline.

Ang mga ito ay isinagawa sa mga bayan at syudad ng Dagupan, Bautista, San Carlos City, San Jacinto, at iba pang lugar sa lalawigan.

Ayon sa PPO, ang mabilis na pagresponde sa mga insidente ay patunay ng mas pinahusay na serbisyong pampubliko ng kapulisan sa Pangasinan.

Patuloy ang paalala ng Pangasinan PPO sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad upang mapanatil ang kaayusan at kapayapaan sa buong lalawigan.