DAGUPAN CITY–Sinisiguro ng tanggapan ng Pangasinan Police Office na nakaantabay sila sa pagtulong sa pagdating Sinovac COVID-19 vaccines na aasahang darating sa lalawigan.
Ito ay matapos makarating na ang 14, 400 na doses ng naturang bakuna sa rehiyon at aasahan namang maibibigay ang ilang prosyento nito sa mga government administered hospital gaya na lamang ng mga COVID-19 referal hospital at provincial hospital na matatagpuan sa Pangasinan partikular ang Region 1 Medical Center sa lungsod ng Dagupan at ang Pangasinan Provincial Office sa San Carlos City.
Ayon kay PMaj. Arturo Melchor Jr., tagapagsalita ng Pangasinan PPO, asahan umano na ang kanilang hanay ang siyang nakaatang na magbantay sa mga sasakyan na magdadala ng bakuna sa lalawigan patungo sa mga vaccine hub o mga ospital sa ating probinsya.
Nakahanda din umano silang tumulong sa mga iba pang kakailanganin para sa pagdating ng naturang bakuna.
Katuwang ng health department sa lalawigan, ay magiging bahagi din umano sa mismong vaccination activity ang kanilang hanay mula sa medical department upang magturok din ng mga bakuna sa mga indibidwal na prayoridad nito sa ngayon.
Sa ngayon ay hinihintay na lamang nila ang abiso kung kailan darating sa lalawigan ang nakalaang bakuna sa probinsiya.
Samantala, nabanggit din ni Melchor na 44% na ng kanilang hanay ang handa at nais na magpabakuna ng Sinovac vaccine, at habang paparating pa ang mga bakuna sa lalawigan ay lalo pa umanong tumataas ang bilang ng nais rin na lumahok sa gagawing pagpapabakuna sa kanilang hanay.