Puspusan ang pakikipagtulungan ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa mga awtoridad sa patuloy na paghahanap sa dalawang indibidwal na nawawala matapos ang insidenteng naganap sa Agana Bridge sa Tarlac.

Matatandaan na sa katubigan ng Pangasinan natagpuan ang mga bangkay ng dalawa sa 4 na nawawala matapos mahulog ang kanilang sinasakyan sa nasirang tulay.

Isinagawa ang malawakang search and rescue operation na nilahukan ng mga tauhan mula sa Pangasinan PDRRMO, Tarlac PDRRMO, Philippine National Police (PNP), Philippine Air Force (PAF), Philippine Coast Guard (PCG), at Bugallon Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).

--Ads--

Saklaw ng operasyon ang lugar mula Banaga Bridge hanggang sa kahabaan ng lower Agno River sa Lingayen dito sa Pangasinan, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng mga awtoridad na matukoy ang kinaroroonan ng dalawang nawawalang indibidwal.

Patuloy ding nakikiisa ang mga pamilya ng mga nawawala sa isinasagawang paghahanap, habang nananatiling nakatutok ang mga rescue team sa mga posibleng lugar na maaaring pagkunan ng impormasyon hinggil sa kanilang kinaroroonan.

Samantala, nananawagan ang mga awtoridad sa publiko na agad iulat ang anumang impormasyon o lead na maaaring makatulong sa search and rescue operation.