Nilinaw ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na walang direktang kaugnayan ang kamakailang malakas na lindol sa offshore ng Sarangani sa mga paggalaw na mino-monitor sa Manila Trench.

Ayon kay Ron Maegan Equila, Earthquake and Tsunami Focal Person at Research and Planning Head ng PDRRMO Pangasinan, malayo ang lokasyon ng Cotabato Trench sa Manila Trench at wala ring inilalabas na opisyal na pahayag ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na nag-uugnay sa dalawang geological features.

Sa kabila nito, patuloy na mino-monitor ng PDRRMO ang mga naitatalang pagyanig sa offshore ng Bolinao, Pangasinan. Dahil dito, nagpalabas ang tanggapan ng mga memorandum at paalala sa pakikipag-ugnayan sa mga coastal local government units (LGUs) upang tiyaking handa ang mga komunidad sa anumang posibilidad.

--Ads--

Layunin din ng mga hakbang na ito na ma-review, ma-test, at mapahusay ang mga contingency plan ng mga bayan at lungsod sa lalawigan.

Ipinaliwanag ni Equila na sakaling magkaroon ng malakas na lindol na may kakayahang magdulot ng tsunami mula sa Manila Trench, hindi lamang ang 14 coastal LGUs ng Pangasinan ang maaaring maapektuhan.

Ayon sa kanya, posibleng maranasan din ng ilang inland barangays ang tinatawag na water inundation o pagpasok ng tubig-dagat, kabilang ang ilang lugar sa Mangaldan at Bugallon na malapit sa mga baybaying bayan.

Gayunman, binigyang-diin niyang ang mga pagyanig na naitatala sa Bolinao ay karaniwang mahihina at hindi dapat magdulot ng labis na pangamba.

Isa sa mga pangunahing pokus ng PDRRMO ay ang pagpapalawak ng kaalaman ng publiko tungkol sa mga natural na senyales ng tsunami.

Ayon kay Equila, hindi kailangang maghintay pa ng opisyal na babala kung nakaranas na ng malakas na pagyanig at napansin ang mga palatandaang karaniwang nauugnay sa tsunami.

Kabilang dito ang biglaang pag-atras ng tubig-dagat, hindi pangkaraniwang ugong mula sa karagatan, at iba pang kakaibang aktibidad sa dagat.

Kapag napansin ang mga senyales na ito, agad na dapat lumikas ang mga residente patungo sa mas mataas na lugar at lumayo sa mga coastal areas.

Patuloy namang isinasagawa ng PDRRMO ang iba’t ibang information, education, and communication (IEC) campaigns upang mapalawak ang kamalayan ng publiko.