Dagupan City – May karapatan umanong magrekomenda ng mga itatalagang kapalit ng mga natanggal na konsehal ang Urdaneta City Council o ang kinauukulang political party, habang malinaw namang may political-administrative jurisdiction sa lungsod ang Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan.
Ito ang paliwanag ni Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang constitutional law expert, kaugnay ng pagkakatanggal sa puwesto ng walong opisyal ng Urdaneta City.
Ayon kay Cera, mahalagang mapunan ang mga bakanteng posisyon sa Sangguniang Panlungsod upang matiyak ang pagpapatuloy ng operasyon ng pamahalaang lungsod, kabilang ang pagdaraos ng mga sesyon at pagtalakay sa mga ordinansa.
Kabilang sa mga sinibak sa puwesto sina Mayor Julio “Rammy” Parayno III, Vice Mayor Jimmy Dereje Parayno, at mga konsehal na sina Franco Paolo San Juan Del Prado, Warren Dela Cruz Andrada, Aurelio Agsalud, Franklin Villanueva, Jhan Hero Sumera, at Alfonso Miguel Manuel Del Prado.
Samantala, nanumpa na bilang bagong alkalde si Blesildo Sumera, habang si Rio Virgilio Esteves naman ang bagong bise alkalde ng lungsod.
Ipinaliwanag niya na maaaring magrekomenda ng mga kwalipikadong indibidwal ang mga natitirang miyembro ng konseho o ang kinauukulang political party, alinsunod sa mga naaangkop na probisyon ng Local Government Code, para sa pagtatalaga ng gobernador ng Pangasinan.
Samantala, maaari pang kuwestiyunin sa Court of Appeals sa pamamagitan ng petition for review ang desisyon ng Office of the Ombudsman laban kay Urdaneta City Mayor Rammy Parayno at sa iba pang natanggal na opisyal.
Maaari rin umanong umakyat sa Korte Suprema ang kaso kung hindi pabor sa kanila ang magiging desisyon ng Court of Appeals, depende sa mga legal na batayan na kanilang ihaharap.
Dagdag pa ni Cera, bilang isang component city, saklaw ang Urdaneta ng ilang kapangyarihang administratibo ng pamahalaang panlalawigan, kabilang ang pagrepaso sa mga ordinansa at resolusyon ng lungsod.










