Dagupan City – Pinuri ni Pangasinan Governor Ramon V. Guico III ang kahanga-hangang pagkilos ng mga mangingisda, Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos ang matagumpay na pagkakarekober ng 28 sako ng umano’y shabu mula sa karagatan ng Agno, Bani at Bolinao.

Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Guico ang kahalagahan ng pagiging mapagmatyag at alerto ng mga mangingisda na agad nagsumite ng mga nakitang kontrabando sa mga otoridad.

Aniya, ito ay malaking tagumpay sa laban kontra sa ilegal na droga.

--Ads--

Dagdag pa ng gobernador, umaapela siya sa mga kinauukulang ahensiya na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang mga nasa likod ng insidente at mapanagot ang mga sangkot.

Ang pagkakarekober ng naturang kontrabando ay inaasahang magbibigay-daan sa mga susunod na hakbang ng pamahalaan upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa lalawigan.

Matatandaan na nitong Hunyo 5 at 6 ngayon taon, halos P4 billion na halaga ng palutang lutang na shabu ang isinurender ng mga mangingisda sa mga PDEA, PNP at PCG

Ang nasabing iligal na droga ay nakalagay sa loob ng 588 vacuum-sealed transparent plastic packs na may bigat na 587.8 kilograms na natagpuan ng 29 na mangingisda habang nangingisda sa nasabing karagatan.