Kinikilala at sinusunod ng Pangasinan 3rd District Engineering Office (DEO) ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na koordinasyon sa mga opisyal sa kanilang nasasakupan bago at habang isinasagawa ang mga proyektong pang-imprastraktura lalo ang Flood Control Project.
Ayon kay Engr. Maria Venus S. Torio, District Engineer sa nasabing opisina na mayroon silang ginagawang monthly collaborative reporting na binibigay sa gobernador, kinatawan ng distrito at alkalde ng lokal na pamahalaan sa kalagayan ng proyektong kanilang ginagawa.
Aniya na bukod sa mga ito ay nakikipag-ugnayan din sila sa Barangay kung saan dito din kumukuha ng mga tauhan para magtrabaho sa nasabing proyekto at kapag natapos na ay nagpapapirma para sa acceptance letter ng proyekto.
Dahil dito, nakakasiguro ang opisina na dumadaan sila sa tamang proseso upang ipaalam sa publiko ang mga ginagawang proyekto dahil ayaw nilang mabahiran ng anomalya o maging ghost project dahil mayroon namang nakikitang resulta.
Giit ng opisina na walang aberya ang pagdaloy ng pondo mula sa central office ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na nagbibigay-daan sa episyenteng paggamit ng badyet.
Gayunpaman, kinilala ni Torio na maaaring maantala ang ilang proyekto dahil sa kalamidad tulad ng bagyo, pagbaha, o lindol.
Sa ganitong kaso, maaaring humiling ang kontratista ng pagpapahintulot sa extension sa pamamagitan ng pagsusumite ng dokumentadong ebidensya.
Pagmamalaki naman nito na bihira lamang na nangyayari sa kanilang opisina ang pagrequest ng approval of time suspension dahil mabilis namang nagtatrabaho ang mga kontratista sa kanilang nasasakupan at patuloy ang kanilang kolaborasyon sa mga ito para matapos na ang mga proyektong nakalatag ngayong taon hanggang sa buwan ng disyembre.