Emosyunal nang personal na makapanayam ng Bombo Radyo ang pamilya ng isang Overseas Filipino Worker o OFW na pinatay sa Saudi Arabia na residente ng Anolid, Mangaldan, Pangasinan.
Sa eksklusibong panayam kay Lydia Lansangan, ina ng OFW na si Limuel Lansangan, 39-anyos, sinabi nito na hindi nila matanggap ang sinapit ng kanyang anak lalo na ang hitsura nito ng iuwi sa kanilang tahanan. Puro pasa kasi ito sa katawan at nagmukhang mummy dahil tinanggalan ang biktima ng mga mata, lamang loob at maging ang ari nito.
Bago aniya mangyari ang insidente ay nakausap pa nila ang biktima at sinabi nito na posibleng hindi na siya maabutan ng buhay ng tulong na darating para sa kanya. Sa kaparehong araw umano ay nakatanggap sila ng tawag na nagsasabing patay na ang kanyang anak. Binaril umano ito ng isang pulis sa hindi malamang kadahilanan sa loob mismo ng kanyang pinagtatrabahuan. Hindi rin aniya pinayagan ang mga katrabaho nito na siya’y lapitan.
Ayon sa ginang, December 8, 2018 nangyari ang pagpatay sa kanyang anak at noong Abril 3 lamang naiuwi sa kanilang bahay. Hanggang ngayon din ay wala silang nakukuhang impormasyon sa Saudi dahil hindi pa nila nakausap ang mga naging kasama nito sa trabaho. with reports from Bombo Cherryl Cabrera