CUBAO, Quezon City — Kinoronahan bilang Binibining Pilipinas International 2024 ang kinatawan ng Abra Province na si Myrna Esguerra.

Samantala, itinanghal naman bilang Binibining Pilipinas Globe 2024 ang pambato ng Pampanga na si Jasmine Bungay.

Nagtapos naman bilang Binibining Pilipinas 1st Runner-Up 2024 ang pambato ng Zambales na si Christal Dela Cruz at sinundan naman ito ng pambato ng Pila, Laguna na si Trisha Martinez.

--Ads--

Maliban sa korona ay inuwi din ni Esguerra ang mga titulo para sa Bb. Urban Smile, Bb. Philippine Airlines, Best in National Costume, Best in Swim Suit, at Best in Evening Gown.

Inuwi ni Esguerra ang korona matapos nitong ibigay ang kanyang kasagutan sa tanong ni Miss Universe 1973 Margie Moran na, “A time machine brings you back to 1964, 60 years ago when Bb. Pilipinas began, what message would you give to the Filipino women that time about the Filipino women of 2024?”

Bukod naman sa mga pangunahing award ay naguwi rin ang iba’t ibang mga kandidata ng special awards kung saan nasungkit ni Bb. Pilipinas 2024 1st Runner-Up Christal Dela Cruz ang mga titulo para sa Bb. Cream Silk, Bb. Pizza Hut, Bb. Ever Bilena, at Bb. Beautederm.

Kasama naman ni Esguerra na nagwagi sa Best in National Costume ang mga kinatawan ng Cavite, Oriental Mindoro, Quezon Province, at Kalayaan, Laguna.

Itinanghal naman na Face of Binibini ang pambato ng Rizal, habang kinilala bilang Binibini Friendship ang kinatawan ng Manila.

Nasa 40 mga kalahok mula sa iba’t ibang lalawigan ng bansa ang nakilahok para sa edisyong ito kasabay ng paggunita ng ika-60 anibersaryo ng Binibining Pilipinas.

Layon ng nasabing patimpalak na magtalaga ng dalawang titulo na ilalaban sa dalawang international pageants: ang Miss International at Miss Globe.

Kasabay ng naturang anibersaryo ay naglabas ang Binibining Pilipinas Charities Inc. (BPCI) ng mga bagong korona at tig P1-million para sa dalawang mananalo. Sa kabilang dako ay bibigyan naman ng tig P400,000 ang mga runners-up.

Naging star-studded naman ang nasabing coronation night kung saan binuksan ito ng performance mula sa grupong SB19 at ng award-winning singer na si Gary Valenciano.

Dumalo rin sa patimpalak ang mga naglalakihang mga mukha sa pageant industry na kinabibilangan nila Miss Universe Philippines Catriona Gray, Pia Wurtzbach, Gloria Diaz, Margarita Moran, at marami pang iba.