Dagupan City – Patuloy ang isinasagawang monitoring ng Pamana Water Dagupan sa mga leak at proyekto para sa mas maayos na serbisyo.
Ayon ay Marge Navata, Spokesperson ng Pamana Water Dagupan City, na mas pinaigting na ngayon ang kanilang pro-active monitoring sa mga tubo ng tubig sa lungsod, sa pangunguna ng Water Resource Division at Engineering Department.
Ayon kay Navata, araw-araw ay may mga field workers silang naka-deploy upang bantayan ang mga posibleng tagas sa mga tubo, lalo na ngayong may isinasagawang road improvement at upgrading sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
Sa katunayan aniya, sinasabayan na nila ang mga ito upang maiwasan ang mas malalang problema sa suplay ng tubig.
Nilinaw rin ni Navata na hindi na kinakalawang ang kanilang mga tubo dahil pinalitan na ang mga ito ng PVC pipes, na mas matibay at mas angkop sa kasalukuyang mga proyekto ng kumpanya.
Dagdag pa niya, wala pang planong magtaas ng singil sa tubig sa kabila ng patuloy na pipe replacement na aabot sa 17,000 linear meters at expansion projects na sinamahan ng bagong pipeline installations.
Aniya, may proseso itong kailangang pagdaanan, tulad ng masusing mga pagpupulong bago ipatupad ang anumang pagbabago sa singil.
Samantala, kaugnay ng reklamo ng mahinang presyon ng tubig sa pumping station sa Barangay Carael, sinabi ni Navata na kasalukuyan nilang isinasaayos ang gagamiting generator upang mapanatiling tuloy-tuloy ang operasyon nito, kabilang na ang paggamit ng built-in chlorine para sa kalinisan ng tubig.
Nanawagan naman si Navata sa publiko na magbigay ng kaunting pasensya habang patuloy ang kanilang plano at pagpapatupad ng mga proyekto, upang maihatid ang mas maayos at dekalidad na serbisyo sa kanilang mga konsyumer.