DAGUPAN CITY – Itinuturing na very serious ang pamamaril ng isang 17 anyos sa tatlong tao sa Times Square sa New York sa Amerika.

Ayon kay Marissa Pascual, Bombo International News Correspondent sa USA, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, nangyari ang pamamaril sa kanto ng 44th Street at 7th Avenue, na inilarawan nito na no gun zone.

Isinalarawan ni Pascual na maraming tao sa Times Square at sa kabutihang palad ay tatlo lang ang nadamay sa insidente.

--Ads--

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na nakaaalitan ng suspek ang isang 19-anyos na lalaki bago ang pamamaril, at sa pagpapaputok niya ay tatlong tao ang tinamaan ng bala kung saan ay tinamaan ang nakaalitan na lalaki sa kanang paa, isang 65-anyos na lalaki na tinamaan sa kaliwang binti, at isang 18-anyos na babae na bahagyang tinamaan sa leeg.

Naaresto na ang suspek habang dinala ang lahat ng biktima sa Bellevue Hospital at nasa stable na kondisyon na ngayon .

Narekober sa pinangyarihan ang baril na ginamit.

Malalimang imbestigasyon ngayon ang isinasagawa ng mga awtoridad at inaalam kung ano ang pinag-ugatan ng alitan ng biktima at ng suspek.